BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

I believe that...

God works at perfect times.
In times we never expect and at times we needed him most. Truly, God is alive.

Friday, March 18, 2011

Lola, unfair pa rin ang buhay

      Enero noon, nakahiga ako habang nagbabasa ng aklat sa Dorm 8, Room 4 nang biglang tumunog ang aking telepono. Binabasa ko nang mga sandaling iyon yung nobelang Ballad of Frankie Silver kaya’t ayaw kong maisturbo. Nasa punto na ako na bibitayin na siya kaya’t sobra ang aking pagkasabik kung anong susunod na eksena. Hinayaan ko lang itong tumunog nang tumunog ngunit hindi nagsawa kung sinuman yung tumatawag na iyon. Iginalaw ko ang aking paa upang abutin ang telepono sa aking paanan habang nagbabasa pa rin ako.


“Kuya, si Dexter po ito. Pakitawagan daw po sila tita---”,


“At bakit ko naman sila tatawagan?”putol ko sa sasabihin niya dala ng aking pagkabuwisit.


“Kwan kasi...ano... ”


“Ano? dali may ginagawa ako”, lalo akong naasar sa paligoy-ligoy niyang estilo.


“Si lola kasi wala na…”


Hindi ko na naintindihan pa ang iba niyang sinabi. Matagal akong nakatitig sa pinto ng aming kwarto. Mabilis na dumaloy ang masaganang luha sa aking mga pisngi. Nakatingin lang ang aking aking room mate na si Mark. Nakabuka ang kanyang mga bibig, parang may gustong itanong ngunit hindi niya masabi. Wala na si Lola, hindi ko na siya mayayakap pang muli. Hindi na kami magkukwentuhan pa kahit kailan. Hindi na niya masasaksihan ang aking pag-akyat sa entablado.


Lumiban ako ng dalawang araw sa klase para makapunta sa burol at libing niya. Sabi ng aking Tita, bibigyan daw kami lahat ng pagkakataon na magsalita at kausapin si Lola bago ilibing. Naisip kong malaking kalokohan iyon ngunit naisip kong baka nga maririnig niya pa ako kaya’t naghanda ako ng mga sasabihin ko.


“Lola, kung naririnig  man po ninyo ako ngayon huwag niyo na po sanang hanapin ang aking mga kapatid lalo na si Ate. Biglaan po kasi ang nangyari kaya hindi na sila nakapunta. Kami lang po ni nanay ang nandito pero sana.. ” hindi ko na naituloy pa ang iba kong sasabihin. Idinaan ko na lang sa aking mga hikbi ang aking mensahe. Naaalala ko kasi sa kusinang iyon din kami nagkukwentuhan dati. Doon mismo sa pinagpatungan ng kanyang kabaong, dun kami nagkukwentuhan bago matulog. Mas gusto kong magtanong sa mga puntong iyon kaysa magpaalam o magpasalamat ngunit dinaig ako ng aking pangungulila at pagkasabik sa mga kwento niya.


Gusto kong itanong kung bakit napakadaya niya. Umalis siyang hindi man lang nagpaalam. Kung alam ko lang na hindi ko na siya mayayakap pa, sana mas tinagalan at mas hinigpitan ko ang pagyakap sa kanya noon ilang taon na rin ang nakaraan.


Hapon noon nang dumating ako sa bahay ni Lola. Dati naming bahay iyon sa Salazar, Carranglan, Nueva Ecija halos sampung taon na rin ang lumipas. Umalis kami doon dahil sa hirap ng buhay. Halos walang maisaing. Napadpad kami doon bago ako pumasok ng elementarya. Sa pagkakatanda ko, nagkagulo noon sa minahan namin sa Dingalan,Aurora kaya kami lumipat doon. Nang maubos ang ipon nina tatay at nanay mula sa minahan, ipinasya nilang bumalik na lang ulit kami sa Aurora kaysa mamatay kaming lahat na dilat ang mga mata. Makalipas ang ilang taon, ipinasya kong dalawin si Lola dahil siya na lang ang nakatira sa bahay. Naiwan siya doon dahil ayaw niyang sumama sa amin. Doon daw siya mamamatay dahil lupa nila iyon ni Lolo bago pa ipinganak sila nanay. Doon din daw siya ililibing sa tabi ng puntod ni Lolo.


Naglalaba siya sa likod bahay nang dumating ako. Dahan-dahan ko siyang nilapitan at niyakap. Hindi siya nagsalita agad. Tinitigan muna niya ako nang matagal.

Hipay ngadan mo? Ang tanging nasabi niya.

Lola, si Pepito po ito. Saka pa lamang siya ngumiti. Iyon kasi ang tawag niya sa akin mula noong bata pa ako.

Kulubot na ang kanyang mga balat. Maputi na ang kanyang mga buhok. Hindi na niya ako namukhaan. Bakas sa kanyang mga mukha ang hirap ng buhay na dinaranas niya. Nalungkot ako. Bago pa mamalisbis ang luha sa aking mga mata, inaya ko na siyang magpahinga muna sa loob ng bahay. Nagkuwentuhan kami habang nagmemeryenda ng mga dala kong pasalubong. Madaling araw na kami nakatulog sa dami ng aming napagkwentuhan. Sa aking pag-uwi niyakap ko ulit siya. Ngunit hindi ko alam na iyon na pala ang huli. Kung alam ko lang disin sanaý mas hinigpitan ko pa at tinagalan ang pagyakap sa kanya.

Doon ko ibinuhos sa kanyang puntod ang aking mga sama ng loob. Naisip kong napaka-unfair niya. 

Nagtanong ako nang nagtanong sa kanya. Mga katanungang sana‘ý naitanong ko sa kanya noong nabubuhay pa siya. Gusto ko sanang itanong kung bakit ako ganito, kung bakit hindi ako tanggap ng lipunan, kung bakit magkakagalit si nanay at mga kapatid niya mula noong nagkamalay ako hanggang sa mga sandaling iyon, kung bakit kailangang ipaampon ang aming pang siyam na kapatid, kung bakit pinayagang mag-asawa agad si Ate at yung dalawang mas nakababata kong kapatid, kung sino talaga ang aking tatay at marami pang ibang katanungan na sa tingin koý sa kanya ko lang pwedeng itanong.

Noong nasa elementarya pa lamang ako, natutulog kaming dalawa doon sa papag sa kusina. Lagi kaming nagkukuwentuhan doon bago matulog. Naiingayan kasi sina nanay at tatay kapag dun kami magkukuwentuhan sa itaas kaya dun na lang kami natutulog para pwedeng magkuwentuhan.. Hindi siya nauubusan ng kuwento. Sabi ng iba masungit daw siya ngunit para sa akin kabaligtaran noon ang pagkakakilala ko sa kanya.

Misan, nakikipaghabulan ako sa mga kalaro kong kapitbahay namin. Nadapa ako at nagasgasan kaya naabutan niya akong nakadapa at umiiyak dahil iniwan ako ng mga kalaro ko nang makitang nadapa ako at paparating si Lola. Nagtakbuhan sila habang naghahagikgikan. Hindi niya ako tinulungang bumangon, hinayaan niya ako.

Dapat matuto kang bumangon kung saan ka nadapa, aniya.

Gusto kong magalit sa kanya noon dahil nadapa na nga ako, mahapdi pa ang aking mga gasgas, sesermunan pa yata ako. Hindi na ako kumibo. Nagtampo ako.

Maraming taon na rin pala ang dumaan kaya’t natanggap ko nang wala na talaga siya. Higit sa lahat, naintindihan ko nang mabuti ang sinabi niyang pagbangon mula sa pagkakadapa. Si Lola talaga, napakadaya. Kung ipinaliwanag niya agad noon iyon disin sana’y hindi ako nagtampo sa kanya noon.

Basta si Lola, unfair! Kasing unfair niya ang buhay. Yun bang nasaktan ka na nga, sasaktan ka pa. Iniwan ka na, kailangan mo pang matutong tumayo mag-isa para harapin ang buhay na nakalimutan mo bago ka iwanan. Parang si Frankie Silver lang, biktima na nga siya ng pagkakataon, binitay pa siya. Ang lamang niya, napakatapang niyang hinarap ang kanyang kamatayan. Kung ikukumpara ko ang herstory nilang dalawa, halos parehas lang. Ang ipinagkaiba lang, hindi martir si Lola.

Matapang din si Lola, ang kaibahan lang ay may pagkamadaya siya. Hinayaan pa niyang ako ang maglagay ng alkohol sa mga gasgas ko. Hindi naman niya agad sinabi kung bakit ganoon. Nakaaasar. Hindi bale, may natutunan naman ako. Kung pwede lang, sasabihin ko sa kanyang hanggang ngayon ay unfair pa rin ang buhay.

Limang taon na rin pala ang nakaraan mula noong pumanaw siya. Isang buwan na lang siguro at matatapos na ang ipinapagawa kong resort kung loloobin ng Panginoong Diyos doon sa lupang pag-aari nila ni Lolo noong nabubuhay pa sila. Ipapangalan ko ito kay Lola, Victoria’s Garden and Resort.

0 comments: